"Ipuipo sa Piging", Tinipon ni Abet Umil

"Panitikang iglap" na tulad ng mga naunang politikal na may-layon na akda, mabilisan at napapanahong naisusulat at nalalathala. Lumalangoy palaban sa agos, nagpipiga ng kalamansi sa sugat, nagsusulat para hindi masabing ang lahat ay mahimbing na natulog sa aligagang magdamag, O pagpapahele ito sa nakumbinsing sarili na 'OK, fine, whatever.'

Paano nga ba natutulog at gumigising ang mga zombie, na patay na ang katawan at sunod-nunuran sa fasista at fasyonista? Laban sa paano ba magsasaad ng pagtutol, na hindi katanggap-tanggap ang piging sa panahong naghihikahos ang nakararami gayong sa kanilang mga likod nanggaling ang mga pondong nakurakot para sa pagdaraos ng piging na hindi naman sila kasama? Sa mga manunulat sa kalipunang ito, ang purposibong pagsulat ang naglilinya ng pagtutol.

At kahit sa isang iglap, kolektibong nagsaad ng tinig ang mga manunulat-mamamayan ng hindi ito ang lipunang nais pamuhayan, at ang kanilang aspirasyong mabago ito tungo sa mas malaya at mapagpalayang bansa at panitikan."

- ROLAND TOLENTINO, Ph.D.
  Kritiko-Manunulat
  Dean, College of Mass Communication, Associate Professor, UP Institute for Creative Writing